Imelda Papin, tumulong magpalibing kay Amay Bisaya
TUNAY na, kahanga-hanga ang pagkahenerosa ni Imelda Papin, bukod sa kanyang mahusay na pag-awit.
Ipinakitang muli ni Imelda ang kanyang pagkalinga sa maliliit at hindi pinapansin sa lipunang ito, sa showbiz man o sa labas ng larangang ito.
Ang kamatayan ng komedyanteng si Amay Bisaya ay isang patunay na sumusuporta si Papin sa mga nasa laylayan ng lipunang ito.
Bagamat kapiling ng maniningning at glamorosa at glamoroso si Amay pero siya ay itinuturing na nasa kabilang ibayo ng showbiz.
Pero ang isa pang nagmamahal kay Amay, Roberto Gloria Reyes sa tunay na buhay, ay walang iba kundi si Rico Laxa na nagbigay ng walang kahulilip na biyaya sa buhay at kamatayan ng bituin.
Nand’yan lang si Rico sa lamay ni Amay at si La Papin naman ay nag-aasikaso sa pagbuburol sa aktor, sa paglilibing dito at sa pagki-cremate sa kanya.
Bukod sa nakatulong si Mel (palayaw ni Imelda) dahil siya ay isa sa mga Direktor ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), inihanay rin niya ang pahimakas kay Bisaya.
Kumanta sa burol sina Aileen Grace Papin, Garry Cruz, John Nite at Gloria Papin.
Gayundin, nagbigay ng kanilang sulyap sa sumakabilang-buhay sina Marynette Gamboa, prodyuser ng Premiere Water Plus Productions, Francis “Jun” Posadas, Jose “Kaka” Balagtas, Efren Reyes, Jr., Linda Cabuhayan, Aimee Torres, Rhene Imperial, Marc Chua, Alice Vergara, Jek Jumawan, Maffi Papin Carreon, Baby Shake Rico, Bon Labora, Vic Lee Tiro, Ern Antonio at marami pang iba.
(Boy Villasanta)

