Stage, TV at aktor sa pelikula na si Bong Cabrera, bida sa prestihiyosong 2025 Cannes Film Festival
HINDI na mapipigilan ang pagpailanlang ng katanyagan ng aktor sa entablado, pelikula at telebisyon na si Bong Cabrera, matapos na siya’y mapili ng internationally acclaimed Filipino director na si Lav Diaz, para sa pelikulang “Magellan” na itinanghal sa Cannes Premiere ng 78th Cannes International Film Festival sa France kamakailan.
Ginagampanan ni Bong ang katauhan ni Rajah Colambu sa obra maestrang historikal ni Lav.
Pumarada sa red carpet ng Palais de Cannes si Cabrera kasama si Diaz at ang iba pang bituin ng pelikula.
At alam ba ninyo kung sino ang kahanay ni Bong sa paglakad sa red carpet?
Ang sikat lang namang Mexican actor na si Gael Garcia Bernal na nakilala sa mga premyado at matitinong pelikula tulad ng “y tu mama tambien,” “Babel” at marami pang iba.
Gumaganap na Magellan si Gael sa pelikulang may gayunding pamagat.
Ipinagmamalaki ni Cabrera na kahit siya ay wala pang malaking pangalan sa lokal na industriya ng pelikula ay pinagkakatiwalaan naman siya ng mahuhusay na direktor tulad ni Lav.
Kasama rin ni Bong sa proyekto sina Ronnie Lazaro, Hazel Orencio, Sri Arjhay Babon at marami pang ibang aktor at aktres mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
(Boy Villasanta)

