DPWH sinopla ni Lacson sa ghost projects sa Bulacan bilang isolated case ‘lamang’

Ni Ernie Reyes

Matinding dinurog ni Senador Panfilo Lacson nitong Biyernes ang  pahayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na ang ghost flood control projects sa unang engineering district ng Bulacan ay isolated case lamang.

Sa pahayag, sinabi ni Lacson na sa pagsisiyasat sa kasakiman at korapsyon sa likod ng ilang palpak at ghost flood control projects, ipinag-utos niya sa kanyang staff na magsagawa ng case studies hindi lamang sa Bulacan kundi pati na rin sa Mindoro at iba pang lugar.

Binigyang-diin din niya na ngayon na ang tamang panahon para magsagawa ang DPWH ng masusing internal audit ng lahat ng kanilang proyekto, simula sa mga flood control projects.

“Pag sinabi mong isolated case, defense mechanism yan. Ibig sabihin walang planong magsagawa ng malawakang imbestigasyon. Yan ang ine-expect ko kaya marami kaming tiningnan,” aniya sa isang panayam sa True FM, nang tanungin tungkol sa usapin.

“Yan na ang ine-expect ko, ‘ah isolated case yan.’ Pero hindi ito isolated case. Kaya nag-random kami para di sabihin. Kaya several case studies, meron sa Pampanga, North Luzon, para hindi sabihing isolated case,” dagdag niya.

Tinutukoy ni Lacson ang napaulat na sinabi ni Bonoan na batay sa mga ulat mula sa mga nag-validate ng mga proyekto, sa unang engineering district ng Bulacan lang sila nakakuha ng impormasyon ukol sa ilan sa mga ghost projects na ito.

Sa kanyang privilege speech noong Agosto 20, inilatag ni Lacson ang mga detalye ng mga palpak at ghost flood control projects hindi lang sa Bulacan kundi pati sa Pampanga, La Union, Oriental Mindoro, at iba pa.

Nang tanungin kung posible bang hindi alam ng DPWH head office ang lahat ng impormasyon dahil sa presensya ng mga “sindikato” doon, sinabi ni Lacson na responsibilidad pa rin ni Bonoan na kumilos.

“Pwedeng hindi alam pero responsibility nila yan. Ito ang time na dapat i-audit nila lahat. Internal audit nila lahat, at least sa flood control projects kasi makikita nila yan,” aniya.

Dagdag pa ni Lacson, umaasa siyang ang fraud audit na isinasagawa ng Commission on Audit (COA) ay magiging “comprehensive and extensive enough” upang makita ng publiko kung paano ginastos ang kanilang buwis.

“Kasi dapat need-based at priority-based ang pagbuhos ng pondo sa isang lugar. So I hope makita lahat yan,” aniya.

Samantala, sinabi rin ni Lacson na hindi niya isinasantabi ang posibilidad na magkaroon ng “Part 2” ang kanyang privilege speech, kung makakatuklas ang kanyang mga staff ng mga bagong modus operandi na hindi naisama sa kanyang unang talumpati noong Miyerkules.

Sa ngayon, hinikayat niya muli ang publiko at media na gamitin ang SumbongsaPangulo website sa pag-uulat ng mga palpak at ghost projects.

Muling iginiit ni Lacson na dapat magkaroon ng katiyakan ang pagpaparusa sa mga mapapatunayang may sala. “I hope may mangyari at may maparusahan, may makasuhan at may makulong,” aniya sa isang hiwalay na panayam sa NET 25.