NAGPADLOCK SA OFFICE NI CONG. NOGRALES, PINATUTUKOY SA PNP

Labis na nag-alala si Rizal, 4th Representative Fidel Nograles sa ginawang pagpapasara ng kanyang District Office na matatagpuan sa 2/F R&R Wet and Dry Market, Greenview, Brgy. San Isidro, Montalban, Rizal noong nakaraang Marso 11, 2025.

Si Cong. Nograles ay dumating sa kanyang opisina sa naturang gusali upang makipag-ugnayan at alamin ang pangangailangan partikular ng mga senior citizen,subalit nabigla siya nang makita niyang nakapadlock ang dalawang gate nito.

Agad niyang nilapitan ang mga tao lalo na ang mga senior na nakapila sa labas ng gate na nakapadlock at humingi siya ng paumanhin dahil sa pangyayaring sinapit ng kanyang opisina.

Kaugnay nito, kinausap ni Cong. Nograles si Montalban Chief of Police PLtCol. Paulito Sabulao na imbestigahan kung sino ang nasa likod, bakit, kailan at bigyan siya ng report sa ginawang pagpapasara ng kanyang District Office.

Nangako naman si Col. Sabulao na gagawin niya ang kahilingan sa kanya ni Nograles na incumbent congressman ng Rizal, 4th District.

Sa panayam ng mga media kay Col. Sabulao tila napansin nila na puro tanggi at walang alam ang opisyal sa pagpadlock ng District Office ni Nograles na kung saan ay nagpadala ito ng mga tauhan na kasama ng mga kinatawan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng Montalban na nagpasara sa opisina ng mambabatas.

Matatandaan noong nakaraang Pebrero 28, 2025 ay unang sumugod ang 20 katao kasama ang ilang Police Montalban na pinangunahan ni Montalban BPLO head Jose Amo Mallari sa R&R Wet and Dry Market upang ipasara ito.

Unang ipinadlock ng mga kinatawan ng Montalban-BPLO ang isang gate ng gusali na nagdulot ng pangamba sa mga tao na humihingi ng tulong sa District Office ni Cong. Nograles.

Apektado rin ang iba pang nangungupahan sa gusali sa ginagawang pagpapasara ng dalawang gate.

“Sa pagkakaalam ko po bilang mambabatas, abugado at guro ng batas, tayo po ay nasa isang demokratikong malayang lipunan, nangangahulugan po nito na protektado tayo ng mga pagmamalabis, pagsasamantala, karahasan, pang-aabuso at pagyurak sa mga karapatang pangtao,” ayon pa kay Nograles sa harapan ng mga media.

“Ibig sabihin din nito hindi ho pwedeng basta-bastang panghimasukan, pakialaman, embarguhin ng ating pamahalaan ang mga pribadong pag-aari na hindi ho dumadaan sa proseso, basic po ito sa karapatang pangtao, no. 1 po yan bill of rights, na “no person to deprive of life, liberty of property without due process of law, no shall any person be denied equal protection, ibig sabihin kailangan ho sa isang malayang bansa at demokratikong lipunan nirerespeto ho natin ang karapatang pangtao,” paliwanag pa ni Nograles.

Kasabay nito, nanawagan si Nograles sa Office of the Ombudsman, Comnmission on Human Rights (CHR), Philippine National Police (PNP) at Hukuman na alamin at imbestigahan kung sino ang gumawa ng pagpapasara, sapagkat walang abiso, walang anunsyo, walang timbre, at walang tamang proseso ang ginawang pagpapasara ng kanyang District Office.

“Nagulat ho ako sapagkat nakatakda po ako ngayon makipag-ugnayan sa senior citizens upang alamin ang kanilang mga kahilingan hindi ho ako makapasok ngunit ako ay nagtataka, humihanahon ho tayo upang alamin kung sino ang talaga ang gumawa nito kung authorized siya,” banggit pa ni Nograles.

“Eh alinsunod ho sa mga karapatang pangtao, ang pagkakaalam ko sa ngayon ay may karapatan pa naman tayo, may batas pa naman tayong sinusunod, kinikilala naman natin ang tamang batas, tamang karapatan, so nandito ho tayo ngayon upang imbestigahan, alamin ko kung ano ho ba talaga ang tunay na nangyari, bakit ho nauudlot ang ating programa, ang ating serbisyo para ho sa mga kapus-palad,” pahayag pa ng batang mambabatas.

Kasabay nito, nagpapasalamat siya sa mga kapitbahay na nagpahiram sa kanilang pribadong pag-aari, pansamantala upang may tuluyan ang kanyang constituents para hindi sila nahihirapan sa ilalim ng init ng araw habang nagsusumite ng kanilang mga dokumento para sa kanilang hinihiling tulong sa District Office.

Sinabi pa ni Nograles na sasamahan niya ang mga tao hanggat hindi niya nalalaman ang tunay na dahilan at sino ang may kagagawan ng pagpapasara sa kanyang opisina.

“Ngunit tulad nga ng nasabi ko sasamahan ko ho sila hanggat malaman ko ang tunay na dahilan at sino ho ang may kagagawan nito. Sa pagkakaalam ko po pagdating po sa mga legal may umiiral na po na business permit yung ating gusali at wala pong proseso na dumaan para i-cancel ito, bigla na lang nakapadlock, ‘di ho natin alam kung sino ang gumawa walang timbre, walang abiso, kaya nga po, ako po ay nananawagan alamin ho natin, kung sino, anong dahilan at paano ho ito at ano ang nangyari,” dagdag pa ng mambabatas.

“Bilang kinatawan, bilang boses ng mahihirap kailangan ho natin ipaglaban ang mga karapatang pangtao, sapagkat ako po ay naniniwala na may demokrasya pa na naman tayo dito, malaya pa namang yung ating lipunan kahit papaano at kinikilala natin ang batas at respeto sa karapatang pangtao,kaya tayo po una sa lahat aalamin natin kung sino ho ba ang may kagagawan nito, kasi wala ho kaming alam, wala hong timbre, walang anunsiyo, walang notice, pagkatapos tayo po ay hihingi ng tulong at dudulog sa kinauukulan upang alamin kung mayroon pa ba tayong batas dito, mayroon pa ba tayong mga karapatang pangtao na kinikilala o basta lang kukunin ng pamahalaan ang mga pribadong pag-aari,” paliwanag pa ni Nograles.

Binanggit pa niya na ang ginawang pagpapasara sa kanyang District Office ay pagkumpiska, inembargo na lang wala man notice, isang pagmamalabis, pagyurak sa karapatang pangtao, pagsasamantala, isang uri ng karahasan, pang-aabuso at kailangan

niya alamin ang puno’t dulot nang pangyayari.

Ayon naman kay Nograles ang pagpapasara ng kanyang District Office ay pangatlong beses na matapos na silipan ng kung ano-anong butas ang gusali kung saan siya nagrerenta.

Sa panayam ng ROADNEWS kay Maria Joan Cesar, residente ng Sitio Kasiglahan, Brgy. San Jose. Montalban, nabigla siya sa kanyang pagdating sa opisina ni Cong. Nograles na kung saan ay nakapadlock ang dalawang gate nito.

Ayon pa sa kanya, kaya siya nagtungo sa opisina ni Nograles upang magsumite ng mga dokumento para sa tulong medikal ng kanyang kaanak.

Sinabi pa niya na matagal na tinutulungan ni Cong. Nograles ang kanyang biyenan para sa dialysis, anya sa kabila nang nakasara na ang mga gate ng District Office ng kongresista ay ina-assist pa rin sila ng mga staff nito.

“Masasabi ko lang po, sana patuloy po natin na suportahan si Cong. Nograles kasi nasa puso po niya ang malasakit sa kapwa, hindi po niya pinababayaan ang Montalbeno mula noon hanggang ngayon,” mensahe pa niya sa kanyang mga kababayan.

Sabay-sabay naman nagsigawan ang mga tao na nakapila sa labas ng gate ng District Office ni Nograles nang dumating sa lugar ang mambabatas.

(RoadNews Investigative Team)