Panghahalay sa menor-de-edad idinulog sa RoadNews: TAIWANESE BUSINESSMAN NG SBMA KINASUHAN

PORMAL na sumulat kamakailan sa ROADNEWS ang lola ng batang babae, na pinagsamantalahan ng amo ng kanyang tiyahin sa Morong, Bataan may ilang taon na ang nakalipas.

         Sa sulat ni lola Myrna, hindi tunay na pangalan, na may petsang Marso 17, 2025 “kami po ay dumulog sa inyo sa ROADNEWS at humingi po ng tulong upang umusad ang kaso at mabigyan ng hustisya ang ginawang panghahalay sa aking apo.”

           “Ang gumahasa po sa aking apo ay si Simon Su, isang dayuhan at makapangyarihan na parang kayang bilhin ang batas, kaya tila baga wala pong pakialam sa inihain naming reklamo sa kanya sa piskalya,” batay sa sulat.

           “Lubos po ang aking pag-asa na sa pamamagitan ng inyong pagtulong sa amin ay makakamit ng aking apo ang matagal na niyang hinahanap na hustisya,” banggit pa ni Myrna.

           Ayon sa complaint affidavit ng biktima, noong Hulyo 2022 nasa 15-anyos pa lamang ang biktima nang alukin ng tiyahin niya na si alyas CI  bilang diswasher ng canteen na pag-aari ni Su.

           Dumating sa canteen si Su at nakita nito ang dalagita na agad nagpaselfie sa huli at sabay ng pagsasabing, “ANG GANDA MO.”

           Makalipas ang ilang araw ng pagtatrabaho ng dalagita sa canteen ay mayroon isang babae na tinatawag na Ma’am Michelle na nagpakilalang secretary umano ni Simon Su at nagbigay ng cellphone sa biktima, “PINAPA BIGAY NGA ITO SAYO NI BOSS SIMON.”

           Walang nagawa ang biktima kundi tanggapin ang mga pinabibigay sa kanya ni Simon dahil natatakot siya na baka pagalitan siya ng kanyang tita (CI) na nagpasok sa kanya sa canteen na kung saan siya namamasukan at naninirahan.

           Ipinaliwanag pa ni Michelle na kaya binigyan ng kanyang boss (Simon) ng cellphone ang biktima bilang regalo at para madalas magkausap ang dalawa.

           Bukod sa cellphone nagpabigay din si Simon ng ipod sa dalagita para may magamit ito sa kanyang online class.

.          Pagkalipas ng tatlong araw na pagtatrabaho ng dalagita sa canteen, pinasundo ni BOSS SIMON sa pamamagitan ng kanyang secretary ang biktima na isinakay sa van at dinala sa library sa opisina ng nito na kalaunan dinala sa rest house ng suspek na matatagpuan sa Kalayaan Heights Subic Bay Freezone Port.

           Ikinulong ang biktima sa kuwarto ng rest house ni Simon at kalaunan pinasok nito na kung saan isinagawa ang pwersahang panghahalay sa dalagita.

           Hindi na nakapalag ang dalagita dahil nasa teritoryo siya ni Simon at naging paulit-ulit hanggang umabot pa ng tatlong beses ang panggagahasa.

           Nabalitaan din ng biktima na ang kanyang tiyahin (CI) ay humingi ng perang P50k, P60k at iba pa kay Simon.

            Dahil sa pangyayaring ito, matagal na nagtago ang biktima dahil sa inabot niyang “trauma” at kamakailan lamang ay naisipan niyang lumabas upang magsampa ng kaso sa Office of the City Prosecutor, Olongapo City. Zambales laban kay Simon Su, legal age, may-ari ng Tipo Hightech Eco Park (THEP) na matatagpuan sa Subic Bay Freeport Zone.

           Kabilang sa mga kasong isinampa laban kay Su, ay ang RAPE, SERIOUS ILLEGAL DETENTION at paglabag sa Child Abuse Law.

(Roadnews Investigative Team)